647

TAO!

BAKIT KA NARITO SA MUNDO?

 

 

Inihanda

 

ni:

 

  Omar Salcedo Penalber

 

 

أيها الإنسان!

 

لماذا أنت موجود في هذه

 

الدنيا؟

باللغة الفلبينية (تجالوج)

 

 

عمر بينالبير



 

Sa Ngalan ng Allah[1],

Ang Mapagpala, Ang Mahabagin

 

Ang lahat ng papuri ay sa Allah lamang, ang lumikha sa tao sa pinakamagandang hubog. Siya ang lumikha ng sanlibutan. Nilikha Niya ang kalupaan para sa Kanyang mga alipin upang dito nila gugulin ang kanilang pansamantalang buhay, at dito rin sila magwawakas at ibabangong muli. Ako’y sumasaksi na walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, ang walang katambal. Sumasaksi din ako na si Muhammad[2] ang Kanyang huling Sugo at Propeta. Nawa’y igawad ng Dakilang Allah ang Kanyang kapayapaan at pagpapala kay Propeta Muhammad, sa kanyang pamilya at gayundin sa lahat ng sumusunod sa tamang landas hanggang sa Araw ng Pagbabangong-muli.

 

Sinumang ginabayan ng Dakilang Allah sa tuwid na landas, hindi siya maililigaw ng sinuman. At sinumang nasa ligaw na landas, hindi siya maigagabay ng sinuman maliban sa Allah – Ang Dakila at ang tanging Hukom sa Araw ng Paghuhukom.

 

Isang banal na tungkulin at gawain ng bawa’t Muslim ang magbigay paalaala at mag-anyaya sa kanyang kapwa tungo sa landas ng Allah – ang Dakilang Lumikha.  Ang gawaing ito ay kalugud-lugod sa Allah at walang alinlangang magagawaran ito ng biyaya sa Kabilang Buhay sa sinumang matapat at dalisay na nagsasagawa nito nang dahil lamang sa Allah.

 

Dalangin ko sa Allah na tanggapin Niya ang munting babasahing ito bilang paglilingkod sa Kanya at nawa’y biyayaan Niya sina kapatid na Khalid Evaristo at Ahmad Jibreel Salas at ang lahat ng mga kapatid na tumulong at naging daan upang maisakatuparan ang paglathala ng mensahing ito.  (Ameen)

 

 

Omar Salcedo Peñalber

July 2004

Saudi Arabia 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Panimula

 

Hindi ba sumagi sa iyong isipan ang dahilan kung bakit ang tao ay narito sa mundo?  Hindi mo ba naitatanong sa iyong sarili… “Bakit ako nilikha, at anong dahilan ng aking pananatili dito sa mundo?”  Hindi ba sumagi man lamang sa iyong isipan kung bakit ang tao ay isinisilang at binabawian ng buhay?  Saan siya hahantong pagkaraan ng kamatayan?   Ano ang mangyayari sa tao pagkaraang lisanin niya ang pansamantalang buhay na ito?

 

Hindi mo ba naitanong sa iyong sarili kung bakit nilikha ng Allah ang mundo at ang mga nilalaman nito?  Bakit nilikha ng Makapangyarihang Diyos ang araw, buwan, mga bituin at iba pang nasa kalawakan?

 

 Ano ba ang nararapat gawin ng tao sa kanyang buong buhay?  Inaakala ba ng tao na siya’y nilikha nang walang dahilan? Inaakala ba niyang hindi siya magkakaroon ng pananagutan pagkatapos ng kamatayan?  Dapat nating pag-isipang mabuti at usisain nang buong katapatan ang mga naturang katanungan.

 

Ang masalimuot na sistemang kinabibilangan ng tao at ng mundo na kung saan sila nananatili ay isang pagpapahiwatig lamang na may Isang nag-aangkin ng Pambihirang Kapangyarihan at Lakas na lumikha sa kanila.

 

Ang mga bahagi ng ating katawan katulad ng mata, ilong, tainga, utak, puso at iba pa na may kanya-kanyang galaw, takbo at kahalagahan ay iilan lamang  sa kagila-gilalas at kamangha-manghang disenyo na dapat pag-ukulan ng pagmuni-muni ng tao. Ang lahat ay gumagalaw ayon sa pansariling pagkakalikha nito upang mapanatiling buhay ang kabuuan ng tao.

 

Kaya, napakahalagang malaman ng tao kung Sino ang Tunay na Lumikha at malaman din niya ang mga kaakibat na tungkulin ng kanyang pananatili dito sa mundo.

 

Tao!  Bakit ka Narito sa Mundo?

 

Dapat malaman ng tao ang tunay na dahilan kung bakit siya narito sa daigdig. Itanong natin nang buong katapatan sa ating sarili: Ano ang tunay na dahilan kung bakit tayo nilikha ng Allah?  Ano ang layunin ng pagkakalikha sa atin?  Mayroon ba tayong tungkulin sa ating Tagapaglikha? Narito ba tayo upang maghanap-buhay, kumain, mabuhay, magpaligsahan, maglikom ng materyal na bagay, mag-asawa, magpakaligaya, magkaanak at pagkaraan ay mamamatay na lamang?  Dapat malaman ng tao na ang kanyang buong buhay ay utang niya sa kanyang Tagapaglikha (Allah) at ang layunin ng kanyang pagkakalikha ay ang sumamba lamang sa Allah.

 

Sa Banal na Qur’an, ang Allah ay nagwika:

 

At hindi Ko nilikha ang Jinn at ang Tao malibang sila ay sumamba lamang sa Akin.”  (Qur’an Adh-Dhaariyaat-51:56)

 

Ano ang Kahulugan ng Pagsamba?

 

Ang pagsamba sa pananaw ng ibang tao at ng ibang relihiyon ay tumatalakay lamang sa pagsagawa ng mga pang-relihiyong rituwal katulad ng pagdarasal, pag-aayuno, kawanggawa at iba pa. Sa Islam, ang pag-samba ay may malawak na kahulugan.  Ito ay binubuo ng lahat ng mga gawain at salita ng tao na may tanging layuning makapagbigay ng kasiyahan sa Dakilang Lumikha.  Ang pagsamba sa Islam ay sakop ang lahat ng aspeto ng buhay ng tao.

 

Gayunpaman, ang pagsamba ng tao sa kanyang Tagapaglikha (Allah) ay hindi ganap at hindi rin tinatanggap kung ito ay hindi naaayon sa utos ng Allah at sa pamamaraang itinuro ng mga Propetang ipinadala Niya sa sanlibutan.

 

Ang buhay sa mundong ito ay sadyang maikli lamang.  Ang lahat ng nilikha ay tiyak na magwawakas. Subali’t habang nabubuhay ang tao, siya’y makararanas ng iba’t ibang pangyayari katulad ng kaligayahan at kalungkutan, lakas at kahinaan, karangyaan at kahirapan, kalusugan at karamdaman, tagumpay at kabiguan, at marami pang maaaring maganap. Sa kabila nito, ano ang dapat gawin at paghandaan ng tao habang siya’y nananatili sa daigdig na ito? Hindi maipagkakaila na ang laging iniisip at inaasam ng tao ay ang kanyang tagumpay sa ibabaw ng mundo. Subali’t hindi niya dapat kaligtaan na ang tagumpay ay hindi lamang kinabibilangan ng maka-mundong bagay, bagkus sakop din nito ang tagumpay sa Kabilang Buhay – ang makamtan ang tunay at walang hanggang kaligayahan sa Paraiso.

 

Kami ay malugod na nag-aanyaya sa inyo na maging isang tunay na mananampalataya sa pamamagitan ng pagkilala at pagsamba lamang sa Panginoong Diyos na Tagapaglikha – ang Allah.  Hangad namin ang inyong tagumpay dito sa mundo at gayundin sa Kabilang Buhay.  Ating alalahanin na ang lahat ng tao ay nagmula sa Allah at katiyakang sila ay magbabalik sa Kanya upang magsulit. Ang tunay na mananampalataya ay yaong tapat na nag-iisip kung bakit siya narito sa daigdig at pinananatili niyang malakas ang antas ng kanyang paniniwala sa kabila ng mga pagsubok at pangyayaring nagaganap. Lagi niyang alaala ang kanyang Dakilang Lumikha, humihingi ng biyaya at patnubay.  Lagi siyang tumatalima at umaasa ng paglingap sa lahat ng mga pagsubok na dumarating sa kanyang buhay.  Gayundin, siya’y matapat na nagsisikap upang makamtan niya ang tunay na tagumpay.

 

Ang tunay na mananampalataya ay yaong marunong tumanaw ng utang na loob at nagpapasalamat sa lahat ng kahanga-hangang mga biyayang ipinagkakaloob sa kanya ng Dakilang Lumikha. Gayundin, siya ay nagpapakita ng tunay na pagtitiis at buong pagtanggap sa panahon ng kapighatian, kahirapan, paghihikahos at iba pang mga pagsubok na maaaring dumating at maranasan sa kanyang buhay.

 

Dapat malaman ng tao na itinakda ng Dakilang Lumikha dito sa lupa ang kapighatian at kahirapang dumarating sa buhay ng bawa’t tao – mananampalataya man o di-mananampalataya. Kadalasan, kung ang tao ay hindi mananampalataya, ang kahirapan at kapighatian ay malaking sagabal at kaguluhan sa kanyang pamumuhay.  Sa kabilang dako, itinuturing ng mga mananampalataya na ang lahat na nagaganap dito sa mundo ay mga pagsubok lamang.  Gayundin, tinatanggap ng isang tunay na mananampalataya ang anumang pagsubok na darating sa kanyang buhay sapagka’t alam niyang bahagi ito ng kapalaran at batid niyang ang lahat ng pangyayari ay mga paraan ng paglilinis at pagpapatawad ng mga kasalanan.

 

Sa katunayan, ang karamdaman o kahirapan sa buhay ay hindi dapat ituring ng tao bilang isang madilim o masaklap na tagpo, bagkus isang malaking kabutihan sa kanya sa Kabilang Buhay. Isang malaking gantimpala ang naghihintay sa kabilang buhay sa isang mananam-palatayang nananatiling matiisin at hindi nawawalan ng pag-asa sa tulong ng Allah sa kabila ng dalamhati, siphayo at sakit na kanyang dinadanas.  Ang mga pagsubok na ito ay nagsisilbing paraan upang mag-isip, mag-alaala at magbalik-loob sa Allah – ang Dakilang Lumikha.  Sa kanyang paggunita  at  paghingi  ng  saklolo (paglingap) sa  Lumikha,   ang kanyang mga kasalanan ay nahuhugasan sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito at buong pusong nagtitiwala na ang lahat ng pangyayari ay may kaakibat na magandang dahilan.

 

Kaya nararapat na ang tao’y matutong magtiis at tumanggap sa anumang pagsubok at kahirapang dumarating sa kanyang buhay upang siya’y biyayaan ng Dakilang Lumikha – ang Mapagbigay at ang Tanging Hukom sa Araw ng Paghuhukom. Ang nagaganap sa buhay ng tao ay pinahihintulutang mangyari ng Allah bilang pagsubok. Kung malalampasan ito ng tao, katotohanang siya’y mapapabilang sa mga magta-tagumpay sa mundong ito at sa kabilang buhay.

 

Si Muhammad ang huling Propeta ng Allah ay nagsabi:

 

Kahanga-hanga ang buhay ng isang mananam-palataya, lahat ng nangyayari sa kanya ay mabuti at mayroon siyang biyaya dito.  At walang sinuman ang magkakaroon ng ganyang biyaya maliban sa nananampalataya. Ang mananampalataya kung tumanggap ng biyaya at kasaganaan, siya ay nagpapasalamat. Kung siya naman ay datnan ng pagsubok at kapighatian, siya’y nagtitiis.  (Sahih Al-Bukhari)

 

Bilang pagpapaliwanag, kung ang mananampalataya ay may mga biyaya at kasaganaang dumarating sa kanyang buhay, kaagad siyang nagpapasalamat sa Allah, sapagka’t batid niya na ang lahat ng ito ay ipinagkakaloob lamang Niya sa kanya. Sa kanyang pagbibigay pasa-salamat, katotohanang malulugod ang Allah sa kanya at siya’y higit pang bibiyayaan.  Kung ang pagsubok naman ang dumating sa kanyang buhay, tinatanggap niya ito nang buong puso, sapagka’t batid niyang ito’y bahagi ng kapalaran na pinahihintulutan ng Allah at nakatakdang maganap ito sa kanya.  Sa kanyang matapat na pagtitiis at pagtanggap sa mga pagsubok, itinuturing itong isang pagsamba at dahil dito’y may gantimpalang nakalaan para sa kanya.

 

Subali’t sa mga di-mananampalataya, kung datnan sila ng biyaya at karangyaan sa buhay, sila’y magsasabi:  “Kaya ako nagkaroon ng ganito dahil sa sarili kong pagsisikap”. Siya’y naging makasarili at marupok.  Nakalimutan niya na ang mga biyayang dumarating sa kanya ay ipinag-kakatiwala lamang sa kanya ng Dakilang Lumikha.  Kung datnan naman siya ng mga pagsubok at kahirapan, siya’y walang pagtitiis.  Dahil dito, mag-iisip siya ng mga di-kanais-nais na gawain upang maibsan o makalimutan ang kanyang suliranin.  Kung minsan, sisisihin pa ang kanyang Lumikha sa mga nangyayari.

 

Sadyang hindi maipagkakaila na ang tao ay madaling makalimot sa kanyang Lumikha na Siyang nagkaloob sa lahat ng kanyang tinatamasa sa buhay.  Kaya lahat tayo’y laging isa-isip ang Allah at laging magpasalamat sa lahat ng ibinibigay Niya sa atin.

 

Sa Banal na Qur’an, ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

Magkagayo’y alalahanin ninyo Ako (sa pama-magitan ng pagdarasal at pagpupuri),  aalalahanin Ko kayo.  At maging mapagpasalamant sa Akin (sa di-mabilang na biyaya Ko sa inyo) at kailanma’y huwag mawalan ng pasasalamat sa Akin. (Qur’an Al-Baqarah-2:152)

 

Kaya mga minamahal na mambabasa, huwag nating tularan ang karamihan sa tao, na naalaala lamang nila ang Tunay na Diyos (Allah) kung sila ay may sakit o karamdaman, suliranin o kaya’y nasa bingit ng kamatayan.  Ano man ang ating katayuan o kalagayan sa buhay, lagi nating sambahin ang ating Dakilang Lumikha.  Matuto tayong kumilala, magpasalamat at tumanaw ng utang na loob sa Kanya.  Katotohanan, tayong lahat ay magwawakas sa mundong ito at magbabalik sa Kanya upang litisin sa lahat ng ating mga ginawa.

 

Sa Banal na Qur’an, ang Dakilang Allah  ay nagwika:

 

Ang bawa’t kaluluwa ay makararanas ng kama-tayan.  At pagkaraa’y sa Amin kayo ibabalik.  (Qur’an Al-Ankabut-29:57)

 

Dapat nating tandaan na hindi nilikha ang tao na parang laruan lamang. Nilikha ng Allah ang tao na may kaukulang layunin sa buhay, kaya gampanan natin nang buong katapatan ang layunin ng pagkakalikha sa atin.

 

Sa Banal na Qur’an, ang Dakilang Allah ay nagpahayag:

 

Inaakala ba ninyo na kayo ay Aming nilikha sa isang laro lamang (nang walang makabuluhang layunin) at kayo ay hindi muling ibabalik sa Amin (upang magsulit)?  (Qur’an Al-Mu’minun-23:115)

 

Ang tamang pagsamba sa Allah – ang Dakilang Lumikha ay matatagpuan at matatamo lamang sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsabuhay ng pananampalatayang nagtuturo ng buong pusong pagsunod, pagsuko at pagtalima sa Kanya.  At ang Islam lamang ang siyang pananampalatayang nagmula sa Allah, na nanganga-hulugan ng matapat na: Pagsunod, Pagsuko at Pagtalima sa Kanyang mga utos at batas.  Nararapat na ipamuhay ng tao nang may katapatan ang mga aral ng Islam upang kalugdan siya ng kanyang Panginoon – ang Allah.

 

Mga Pangunahing Aral ng Islam

Bilang Gawaing Pagsamba

 

Ang Islam ay nagtuturo lamang ng matapat at tuwirang pagsamba sa Allah – ang Dakilang Lumikha.  Siya ang lumikha ng lahat ng bagay na ating nakikita at di-nakikita. Siya ang nagbigay buhay sa lahat at Siya lamang ang tanging nakaaalam kung kailan Niya babawian ng buhay ang tao.  Kaya nararapat lamang na kung Sino ang nagbigay ng buhay sa tao, Siya lamang ang tanging dapat pag-ukulan ng pagsamba.

 

Sa Islam, bilang bahagi ng pagsamba, kailangang paniwalaan nang buong katapatan ang mga sumusunod:

 

  1. Paniniwala at Pagsamba Lamang sa Allah

 

Ito ay nangangahulugan na ang Allah lamang ang dapat sambahin sapagka’t tanging Siya lamang ang Panginoong Diyos na Lumikha at nagbigay buhay sa lahat.  Siya ang Nag-iisang Tagapaglikha, at ang lahat ay Kanyang Nilikha. Ang pagsamba sa Kanya ay nararapat na naaayon sa Kanyang utos at ayon sa pagtuturo at pamamaraan ng mga Propetang Kanyang isinugo.  Ito ang dahilan kung bakit Siya nagpadala ng mga Sugo at Propeta.  Ang mga Propeta ang nagturo kung Sino ang tunay na Diyos at kung papaano Siya dapat sambahin.  Kaya naman, ang mga katuruan at pamamaraan ng mga Propeta ang dapat na maging batayan natin sa pagsamba sa Allah.

 

  1.              Paniniwala sa mga Anghel.

 

Ang mga Anghel ay nilikha ng Allah mula sa liwanag.  Mayroon silang iba’t ibang tungkulin na ginagampanan ayon sa pag-uutos ng Allah. Mayroon sa kanila ang nagtatala sa lahat ng mabubuting gawa ng tao at mayroon ding nagtatala ng masasamang gawa. Ang talaang ito, ang siyang ihaharap sa tao sa darating na Araw ng Paghuhukom.  Kung matimbang ang kabutihang kanyang nagawa, siya ay mapupunta sa Paraiso. Subali’t kung matimbang ang masamang nagawa, siya’y mapu-punta sa Impiyerno. Katotohanang ang lahat ng ginagawa ng tao ay walang makalalampas, bagkus naisusulat ng Anghel.

 

  1. Paniniwala sa Lahat ng Orihinal na Kapahayagan.

 

Ang Allah ay nagpadala ng mga Kapahayagan at Kautusan sa pamamagitan ng Kanyang mga Propeta sa kani-kanilang panahon. Siya ay nagpadala ng kapahayagan kay Propeta Abraham (Ibrahim) na tinatawag na Suhuf o Kalatas; kay Propeta David (Dawood) ay ibinigay ang Zabur o Psalmo; kay Propeta Moises (Musa) ay ipinahayag ang Torah o Batas; kay Propeta Hesus (Eisa) ay ipinadala ang Injeel o Ebanghelyo (Magandang Balita) at kay Propeta Muhammad ay ipinahayag ang Qur’an. Nararapat na paniwalaan ang lahat ng orihinal na mga naturang kapahayagan, sapagka’t ang Allah ang nagpadala sa mga ito. Nguni’t sa mga kapahayagang nabanggit, tanging ang Qur’an na lamang ang nananatili sa orihinal na anyo.  Ito ay puro at dalisay na Salita ng Allah bilang patnubay sa tunay na mananampalataya na nagmamahal at sumasamba sa Kanya, sa pamamagitan ng pagsunod, pagsuko at pagtalima sa mga utos na napapaloob dito.

 

Ang Banal na Qur’an ay ipinahayag sa huling Propeta na si Muhammad sa kanyang sariling wikang Arabik.  Kung mayroon mang pagsasalin sa iba’t ibang wika, ang orihinal na wikang Arabik ay naroroon pa rin. Ang pananatili ng Qur’an sa orihinal nitong anyo ay nangyari, sapagka’t ang Dakilang Lumikha mismo ang nangako na ito (Qur’an) ay Kanyang pangangalagaan laban sa anumang pagbabago o paninira na maaaring gawin ng tao.

 

Ating matutunghayan sa Banal na Qur’an:

 

Ito ang Aklat (Qur’an), na (kung saan ay) walang pag-aalinlangan, isang patnubay sa mga may takot sa Allah.  (Qur’an Al-Baqarah-2:2)

 

Gayundin, nasusulat sa Banal na Qur’an:

 

Kototohanan, Aming ibinaba ang Dhikr (ang Qur’an) at katiyakan, pangangalagaan Namin ito (laban sa katiwalian).  (Qur’an Al-Hijr-15:9)

 

  1. Paniniwala sa mga Propeta Nang Walang

Pagtatangi-tangi.

 

Ang Allah ay nagpadala ng mga Sugo at Propeta upang ituro nila sa tao kung papaano isakatuparan ang tunay at wagas na pagsamba sa Kanya (Allah). Ang lahat ng Propeta ay nararapat sundin, tularan at pamarisan sapagka’t sila ang tamang daan, ilaw at gabay tungo sa tamang pagsamba sa Dakilang Lumikha. Sa katotohanan, ang lahat ng Propeta ay mga Muslim, sapagka’t silang lahat ay nagturo ng pagsamba lamang sa Nag-iisang Tunay na Diyos (Allah). Ang kanilang sinasamba ay iisa at maging ang pamamaraan ng kanilang pagsamba ay isa. Ang pagsamba ng tao ay tatanggapin lamang ng Allah kung ito ay ayon sa pamamaraan na itinuro at ginawa ng mga Propetang Kanyang isinugo. Ang pamamaraan ng pagsamba sa Allah ay pinagbuklod at nagkaroon ng kaganapan sa mga itinuro ng Kanyang huling Propeta na si Muhammad. Kaya sa pamamagitan ng matapat na pagsunod kay Propeta Muhammad, makaaasa ang tao ng Paraiso – ang tunay na tagumpay sa darating na Araw ng Paghuhukom.

 

  1. Paniniwala sa Araw ng Paghuhukom

 

Mahalaga ang maniwala sa Araw ng Paghuhukom sapagka’t katotohanang ang lahat ng nilikha ay mamamatay. Kung hindi paniniwalaan ng tao ang Araw ng Paghuhukom, ang buhay sa mundong ito ay walang saysay o kabuluhan. Walang alinlangang maraming tao ang gumagawa ng mabuti subali’t hindi nagagan-timpalaan, at marami rin namang gumagawa ng masama na hindi napaparusahan. Sa bawa’t araw sa buong daigdig, maraming pangyayari ang nagaganap sa buhay ng tao – may mabuti at masama, nguni’t ang tao ay hindi nagagawaran ng tunay na katarungan.

 

Sadyang napakaraming pangyayari ang ating nasasak-sihan at nababalitaan katulad ng pagpatay, pagnanakaw, panggagahasa at iba’t ibang karahasan. Atin ding mapapansin na kapag ang salarin ay masalapi o maimpluwensya, na dapat sanang hatulan ng habang-buhay na pagkakulong o kamatayan, siya’y nakaliligtas at napawawalang-sala.

 

Ang mga ganitong kaganapan ay lantad na sa lipunan. Dahil dito, nananatiling api ang mga biktima ng ganitong di-makatarungang pangyayari. Nguni’t kung ang tao’y naniniwala sa Araw ng Paghuhukom, katiyakang sa Araw na iyon lamang igagawad at matatamo ang tunay na kabayaran mula sa Allah – ang Dakila at Tanging Hukom.

 

Sa Banal na Qur’an, ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

Ang bawa’t kaluluwa ay makararanas ng kamatayan at sa Araw ng Pagkabuhay muli lamang kayo bibigyan ng buong kabayaran.  (Surah Al-‘Imraan-3:185)

 

  1. Paniniwala sa Tadhana (Qadar).

 

Ating mapapansin na may mga bagay tayong minimithi sa buhay na hindi natin makamtan sa kabila ng ating pagsusumikap. May mga pangyayaring hindi kanais-nais subali’t dumarating sa buhay natin gaano man ang ating pag-iingat.  Ang mga ito ay bahagi ng Tadhana (Qadar).  Nararapat tanggapin ng tao ang lahat ng nangyayari sa kanyang sarili, mabuti man o masama. Ang lahat ng nagaganap ay pinapangyari ng Allah. Magkagayon, ang tao ay magkakaroon ng kapanatagan at kapayapaan sa sarili kung tinatanggap at pinaniniwalaan niya nang tapat na ang lahat na nangyayari sa kanyang buhay ay naitakda na. Kung mabuti ang nangyayari, siya’y nagpa-pasalamat at kung hindi naman, siya’y nagtitiis.  At sa kanyang pagiging mapagpasalamat at pagkamatiisin, siya ay bibiyayaan ng Allah sa Kabilang Buhay. Dapat paniwalaan din ng tao na kahit hindi niya nakikita ang Allah, siya naman ay nakikita Niya.  Kaya hindi dapat isipin ng tao na mayroong nakalalampas sa kanyang mga ginagawa dahil ganap na nakikita, naririnig at nalalaman ng Allah ang lahat, maging ito ay lingid sa kaalaman ng Kanyang mga nilikha.

 

Sa Banal na Qur’an, ang Allah ay nagwika:

 

…Batid Niya ang nangyari sa kanila (sa mundong ito) at ang mangyayari sa kanila (sa Kabilang Buhay), at kailanma’y hindi nila matatarok ang anumang Kaalaman Niya maliban lamang kung nanaisin niya.   Ang Kanyang Kursi (Luklukan) ay abot ang mga kalangitan at kalupaan.  At Siya ay hindi nakadarama ng kapaguran sa pangangalaga at pagpapanatili sa kanila.  Sapagka’t Siya ang Kataas-taasan, ang Dakila.   (Qur’an Al-Baqarah-2:255)

 

Karagdagan sa mga naturang anim (6) na paniniwala, ang Islam ay may limang (5) haligi na dapat gampanan o isabuhay ng isang tunay na mananampalataya bilang pagsamba sa Allah. Sa pagsasabuhay ng mga ito, makaaasa ang tao ng mabuting gantimpala mula sa Allah sa Kabilang Buhay – sa Araw ng Paghuhukom.

 

Limang (5) Haligi ng Islam

Bilang mga Tungkulin ng Tao sa Diyos

 

  1. Pagsaksi o Panunumpa na Walang Tunay na Diyos na Dapat Sambahin Maliban sa Allah, at si Muhammad ay Kanyang Huling Propeta.

 

Ang pagsaksi ng tao na walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah ay nangangahulugan at nagpapatunay na tanging ang Dakilang Lumikha lamang ang kanyang dapat pag-ukulan ng pagsamba. Samakatuwid, nararapat niyang sambahin ang Allah ayon sa Kanyang utos at sa pamamaraang itinuro at isinagawa ni Propeta Muhammad. Walang karapatan ang taong sumamba sa kanyang Tagapaglikha nang ayon sa sarili niyang pamamaraan.  Dapat siyang sumamba batay sa utos ng Allah at sa pamamaraan ng huling Sugo at Propeta na si Muhammad sapagka’t ang pagsunod sa pamamaraan na itinuro ni Propeta Muhammad ay tanda ng pagsunod na rin sa pamamaraan na itinuro ng mga naunang Propeta sa kanya.  Dala ng lahat ng Propeta ang iisang aral dahil ang Allah lamang ang nagpadala o nagsugo sa kanilang lahat. Silang lahat ay sumamba nang tapat at wagas sa Nag-iisang Tunay na Diyos at sa  pamamaraang ipinag-utos sa kanila ng Allah na Kanyang binigyan ng kaganapan sa pagtuturo ng huling Propeta na si Muhammad.

 

  1. Pagsagawa ng Limang (5) Ulit na Pagdarasal (Salaah) sa Buong Maghapon.

 

Ang Salaah ay mahalaga sa buhay ng isang mana-nampalataya sapagka’t ito’y malinaw na pagganap niya sa kanyang tungkulin – ang sumamba sa kanyang Lumikha bilang isang matuwid na alipin.  Sa katunayan, ang pagdarasal ay hindi kailangan ng Allah, bagkus dapat gampanan ito ng tao para sa sarili niyang kapakanan at kabutihan.  Ito’y pagkain ng ispirituwal na katawan at pagpapatawad sa mga kasalanan.  Karagdagan pa, ito ay nagsisilbing ilaw at liwanag sa puso’t isipan ng tao.  Sa pagdarasal, nadarama ng tao sa kanyang isip at puso ang kapayapaan at kasiyahan. Gayundin, kanyang ipinadarama sa Tagapaglikha ang matapat na pag-aalaala, paniniwala at pasasalamat.

 

Mababasa sa Banal na Qur’an:

 

Yaong mga naniniwala, at ang mga puso nila’y taglay ang katiwasayan sa  pag-alaala sa Allah; tunay, sa pag-aalaala sa Allah matatagpuan ng  mga puso ang ganap na kapayapaan.  (Qur’an Ar-Ra’d-13:28)

 

Gayundin, ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

Katotohanan Ako ang Allah, walang ibang diyos  maliban sa Akin.  Kaya sambahin Ako at mag-alay ng Salaah (itinakdang pagdarasal) bilang pag-alaala sa Akin.  (Qur’an Ta-Ha-20:14)

 

…at mag-alay ng Salaah (itinakdang pagdarasal).  Katotohanan, ang pagdarasal ay nakapipigil sa Fahsha (gawaing mahahalay) at Munkar (di-paniniwala, pagsamba sa diyus-diyusan, at lahat ng gawaing di-makatarungan).  At ang pag-alaala sa Allah ang siyang tunay na  pinakadakila..  At batid ng Allah ang lahat ng inyong ginagawa. (Qur’an Al-Ankabut-29:45)

 

Anuman ang kalagayan ng isang mananampalataya habang siya’y nabubuhay sa ibabaw ng mundo, dapat niyang gampanan ang limang Salaah bilang pag-alaala, pakikipag-ugnayan, pagpuri, pagluwalhati, paghingi ng tawad, pasasalamat at pagtanaw ng utang ng loob sa Allah – ang Dakilang Lumikha. Magkagayon, anumang oras mamatay ang tao, hindi siya dapat matakot o mangamba sapagka’t ginagampanan niya ang layunin ng pagkakalikha sa kanya – ang sumamba lamang sa Allah.

 

 

  1. Pagbibigay ng Zakat o Itinakdang Kawanggawa.

 

Ang Zakat ay iniutos ng Allah bilang paglilinis sa naitabing yaman na umabot sa pamantayang sukat ng pagbabayad ng Zakat.  Ito’y tungkulin ng mga may kakayahan upang ibahagi ang dalawa’t kalahating bahagdan (2.5) ng natitira nilang yaman bilang paglilinis nito.  Ito ay nagsisilbing tulong sa mga naghihikahos at nangangailangan.

 

Ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

"As-Sadaqat (ang Kawanggawa) ay para lamang sa mga Fuqara (kapus-palad) at Al-Masakin (dukha) at yaong mga kawaning naglilikom (ng kawanggawa) at sa mga taong ang mga puso ay malalapit (sa Islam); at sa pagpapalaya ng mga bihag at sa mga may pagkakautang; at sa Landas ng Allah (Mujahideen na nakikipaglaban) at sa mga Naglalakbay (na nawalan ng kakayahang magpatuloy sa paglalakbay); isang tungkulin sa Allah.  At ang Allah ay Lubos na Maalam, Tigib ng Karunungan." (Qur’an At-Tawbah 9:60)

 

Ang hindi pagtupad sa tungkuling ito ay isang kasalanan at isang pananagutan sa Allah sa Kabilang Buhay.  Dapat ding malaman na ang lahat ng karangyaang tinatamasa ay ipinagkaloob at ipinagkatiwala lamang sa tao, kaya nararapat gugulin ito sa paraang kalugud-lugod sa Dakilang Allah.

 

  1. Pag-aayuno sa Buwan ng Ramadan.

 

Ang pag-aayuno ay ipinatutupad sa lahat ng Muslim na nasa tamang gulang, may mabuting kalusugan at may matinong pag-iisip. Ito ay ginagampanan bilang pagtupad sa utos ng Allah. Ipinadarama nito ang pagkakapantay-pantay ng lahat. Ano man ang katayuan ng tao sa buhay, silang lahat ay umiiwas sa pagkain, inumin at maging sa pakikipagtalik sa asawa sa oras ng pag-aayuno.  Ito ay ginagampanan magmula sa pagbukang-liwayway hanggang takip-silim na may hangaring matamo ang dakilang biyaya o gantimpala mula sa Allah.  Sa katunayan, ang pag-aayuno ay kautusan ng Allah na Kanyang ipinatupad maging sa mga naunang Propeta at sa kanilang tagasunod.

 

Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

 

O kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Ang (pagsasakatuparan ng) Sawm (pag-aayuno) ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo ay magkaroon ng (tunay na) takot (sa Allah). Ang (pagsasakatuparan ng) Sawm (pag-aayuno) (ay) para sa itinakdang bilang ng araw subali’t sinuman sa inyo ang may karamdaman (sakit) o nasa paglalakbay, ang itinakdang bilang ng pag-aayuno ay dapat (ding) tuparin sa ibang araw (bilang kabayaran sa pagliban).  At sa mga taong (labis ang katandaan) nakakaranas ng kahirapan sa pag-aayuno, sila ay dapat magpakain ng isang dukha (kapalit ng pag-aayuno sa bawa’t araw). Subali’t, sinuman ang gumawa ng kabutihan ayon sa kanyang kakayahan, higit itong nakabubuti sa kanya.  At higit na mabuti sa inyo ang mag-ayuno kung inyo lamang nalalaman (ang kahalagahan at kabutihan nito). (Qur’an Al Baqarah 2:183-184)

 

Ang matapat na pagsagawa nito ay isinasaalang-alang bilang isang pagsamba ng tao sa Allah nang may pagkilala at pag-asam na ang tanging magkakaloob ng biyaya sa kanya sa Kabilang Buhay ay ang Allah lamang.

 

  1. Hajj o Peregrinasyon (Paglalakbay sa Makkah).

 

Ang Hajj ay isang tungkulin na dapat isagawa ng isang Muslim minsan sa kanyang buong buhay. Sa pagsa-sagawa nito, ito ay may mga patakaran: a) kailangang siya ay nasa maayos o mabuting  kalusugan;  b) may sapat na salaping gugugulin;  k) nasa tama o matinong kaisipan.  Sa kababaihan, ang karagdagang patakaran ay ang pagkakaroon ng makakasama bilang kanyang tagapangalaga, katulong o alalay, halimbawa ang kanyang asawa, ama, anak na lalaki o kapatid na lalaki.

 

Ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

"…At ang Hajj sa Tahanan (Ka`bah) ay isang tungkulin (na dapat gampanan) ng sangkatauhan sa Allah, yaong may kakayahang gumugol (ng kanilang paglalakbay). At sinuman ang magtakwil (tungkol dito), samakatuwid, ang Allah ay walang pangangailangan ng anuman sa sinuman sa Kanyang mga nilikha…" (Surah Al Imran-3:97)

 

Ang Hajj ay ginagawa bilang paggunita sa aral ni Propeta Abraham (Ibrahim) na kinilalang Ama ng mga Mananampalataya. Sa pagsagawa ng Hajj, ipinadarama ang pagkakaisa ng mga mananampalataya at ang paglalarawan ng Araw ng Paghuhukom. Makikita ang pagkakaisa sa dahilang ang lahat ng nagsasagawa nito ay iisa ang kanilang kasuutan, iisa ang pamamaraan, iisa ang sinasamba at iisa ang layunin.  Silang lahat ay magkakapatid at walang sinuman ang natatangi sa kanila.  Silang lahat ay pantay-pantay at buong pusong humihiling sa Allah na ipagkaloob sa kanila ang kaligayahan at kapayapaan sa mundong ito at higit sa lahat, ang ipagkaloob sa kanila ang Paraiso. Ipinadarama o ipinahihiwatig din dito ang Araw ng Paghuhukom sapagka’t ang sinumang nagsasagawa ng Hajj, ang  tanging  dala  niya  ay  ang  kanyang katawan lamang, ang nakatakip sa kanyang katawan at sapat na salapi upang gugulin habang isinasagawa ang mga pamamaraan nito.  Kung ang isang tao ay mayaman at maraming ari-arian, hindi niya ito madadala.  Paalaala din naman na kung siya ay babawian ng buhay, anuman ang kanyang nalikom na yaman ito’y kanyang iiwanan.

 

Paghahanda sa Kabilang Buhay

 

Bilang paalaala, kung tayo ay nagsusumikap upang umunlad sa mundong ito, higit nating pagtuunan ng pansin ang paghahanda sa Kabilang Buhay. Huwag tayong padadala sa tukso at kinang ng yaman at anumang materyal na bagay. Maging ang paghangad ng katanyagan at kapangyarihan ay hindi dapat lubos na pagsumikapan at pag-aksayahan ng panahon sapagka’t ang lahat ng ito ay bulong lamang mula kay Satanas upang kanyang ibulid ang tao sa makamundong pagnanasa at ilihis sa tamang landas.

 

Lagi nating tandaan na ang lahat ng bagay sa mundo ay may hangganan. Higit nating paghandaan ang Araw ng Paghuhukom na kung saan ang lahat ng tao ay haharap sa Allah – ang Dakilang Lumikha, upang magsulit sa kanyang mga ginawa. Kung ang tao ay kumikilala at sumasamba sa Allah, ang walang hanggang kaligayahan at kasaganaan sa  Paraiso ang nakalaang gantimpala sa kanya.  Subali’t ang hindi kumikilala at gumaganap sa layunin ng pagkakalikha sa kanya ng Allah, ang magiging hantungan niya ay ang Impiyernong Apoy at doon siya maninirahan magpakailanman. Kaya bago tayo bawian ng buhay, higit na mahalaga na lahat tayo’y nakahanda. Si Propeta Muhammad, ang huling Propeta ng Allah  ay nagsabi:

 

Inyong ituring na ang buhay ng tao sa mundong ito ay katulad ng isang manlalakbay lamang. (Sahih Al-Bukhari)

 

Ito ay isang pahiwatig na dapat isipin ng tao na siya ay pansamantala lamang sa ibabaw ng mundo at sadyang maikli ang kanyang pananatili rito. Kaya kung siya ay nagsusumikap sa pansamantalang buhay, higit niyang pagsikapan ang kabilang buhay sapagka’t naroon ang huling hantungan at doon siya mamumuhay nang walang hanggan.

 

Bago maging huli ang lahat, gampanan natin ang layunin ng pagkakalikha sa atin ng Allah at paghandaan ang Kabilang Buhay.

 

Mahalagang Paalaala

 

Sa buong buhay ng tao, siya ay lagi nang binibigyan ng paulit-ulit na paalaala tungkol sa pagkakaroon ng Paraiso at Impiyerno na kailangan niyang paghandaan.  Magkagayunman, ang mga di-mananampalataya ay tila walang pandinig sa mga paalaala.  Sa pagharap nila sa kamatayan, ang sanhi ng kanilang pagsisisi ay ang katotohanang sila ay tumahak sa maling landas.  Ipinahayag ng Allah sa Banal na Qur’an:

 

At kung iyo lamang masilayan ang mga makasalanan na nasa kasakit-sakit na (paghi-hingalo) kamatayan, habang ang mga Anghel ay iniunat ang kanilang kamay (at nagsasabing) ‘Ilabas ninyo ang inyong kaluluwa!  Sa Araw na ito’y pagbabayarin kayo ng kaaba-abang parusa dahil sa lagi ninyong sinasabi laban sa Allah na sadyang taliwas sa katotohanan…’ (Qur’an Al-An’am-6:93)

 

Bagaman hindi natin nararanasan ang nararamdaman ng isang naghihingalo, ipinahihiwatig ng Allah sa tao ang kalagayan ng naturang tagpo upang maiwasan ang gayong hantungan.

 

Gayundin, ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

O Sangkatauhan!  Magkaroon ng takot sa inyong Panginoon.  Katotohanan, ang lindol sa Oras na yaon (Araw ng Paghuhukom) ay isang kasindak-sindak na bagay.

 

Sa Araw na (yaon ay) inyong makikita; ang  bawa’t nagpapasusong ina ay kanyang kalilimutan ang kanyang (sanggol) na pinasususo, at ang bawa’t nagdadalang-tao ay ilalaglag niya ang kanyang dinadala (sa sinapupunan), at iyong makikita ang sangkatauhan na nasa nalalangong kalagayan, subali’t hindi naman mga lango, sadyang lubhang matindi ang parusa ng Allah.  (Qur’an Al-Hajj-22:1-2)

 

Gayundin, ating mababasa sa Banal na Qur’an:

 

O Sangkatauhan! Matakot sa inyong Panginoon at pangambahan ang Araw na walang magulang ang makatutulong sa kanyang anak; at wala ring anak ang makatutulong sa kanyang magulang.  Katoto-hanan, ang pangako ng Allah ay totoo;  Kaya huwag hayaang kayo’y malinlang ng buhay sa mundong kasalukuyan, ni huwag kayong palilinlang sa  pinuno ng manlilinlang (Satanas)  tungkol sa Allah.  (Qur’an Luqman-31:33)

 

Sa oras ng kamatayan lamang mauunawaan at makikita nang lubos ng mga di-nananampalataya ang matinding parusa.  Ang taong inilayo ang sarili sa babala ng Allah ay magsusumamo ng kapatawaran at magmamakaawa na ibalik siyang muli sa daigdig upang gumawa ng kabutihan at magkaroon ng bagong pagkakataong manalig sa Allah.

 

Ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

Hanggang sa kapag dumating ang kamatayan sa isa sa kanila (sa mga nagtatambal sa pagsamba sa Allah), siya ay magsasabi: “Aking Panginoon! Ibalik akong muli (sa mundo), upang makagawa ako ng kabutihan na aking tinalikdan noon!” Hindi! Tunay na ito ay isa lamang salita na namutawi sa kanya...  (Qur’an Al-Mu’minun-23:99-100)

 

At sinabi rin ng Allah ang magiging kalagayan ng mga walang pananampalataya sa Kanya:

 

“Kung iyo lamang silang makikita sa sandali na sila ay nakatindig sa harap ng Apoy at nagsa-sabing,”Ahh! Kung kami lamang ay muling maka-babalik (sa mundo), hindi kami magtatakwil sa mga paalala (tanda o kapahayagan) ng aming Panginoon at kami ay mapapabilang sa (hanay ng) mga mananampalataya.” (Qur’an Al-An'am 6:27)

 

Karagdagan pa:

At kanilang sasabihin (nang may pagsisisi at panghihinayang): "Kung nakinig lamang kami o ginamit ang aming talino, sana ay hindi kami napabilang sa mga mananahan sa Naglalagablab na Apoy!" (Qur’an Al Mulk 67:10)

 

Kaya, bago maging huli ang lahat, muli akong nananawagan at nag-aanyaya sa lahat na tayo’y magkaisa sa pagsamba lamang sa ating Tagapaglikha. Huwag nating bigyang kaakibat ang Allah sa pagsamba sapagka’t ito ang kasalanang hindi Niya patatawarin sa sinumang namatay na nasa ganitong kalagayan.

 

Ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

Katotohanan, hindi pinatatawad ng Allah ang pagbibigay katambal sa (pagsamba sa) Kanya. Datapwa’t pinatatawad Niya ang ibang kasalanan bukod dito sa kaninumang Kanyang nais. (Qur’an An-Nisa’-4:116)

 

…Katotohanan! Ang sinumang magbigay katambal (sa pagsamba) sa Allah, magkagayo’y ipagkakait ng Allah sa kanya ang Paraiso, at ang Apoy ang kanyang magiging tahanan.  (Qur’an Al-Maa’idah-5:72)

 

Subali’t sa mga matatapat sa Dakilang Lumikha, katotohanang may gantimpalang nakalaan sa kanila.

 

Ang Dakilang Allah, ay nagwika:

 

At silang nananampalataya at gumagawa ng mabuti, sila ang mga mananahanan sa Paraiso.  Doon sila mamamalagi magpakailanman! (Qur’an Al-Baqarah-2:82)

 

Walang kaluluwa ang nakababatid kung anong kaginhawaan ng mga mata na inilingid sa kanila bilang gantimpala sa mga ginawa nila noon (Qur’an As-Sajdah-32:17)

 

At katotohanan, ang gantimpala sa Kabilang Buhay ay higit na mabuti sa mga nananampalataya at may takot (sa Allah).  (Qur’an Yusuf-12:57)

 

Ang sinumang gumawa ng kasamaan ay walang matatamong kabayaran malibang katulad din nito. At sinumang gumawa ng kabutihan – lalaki man o babae at tunay na nananampalataya, ang mga ito ang papasok sa Paraiso.  Bibigyan sila roon (ng lahat ng bagay nang masagana at) nang walang hangganan.  (Qur’an Ghaafir-40:40)

 

Katotohanang walang maipagmamalaki ang tao kailan-man sapagka’t ang lahat ng kanyang tinatamasa at inaangkin sa sarili ay pansamantala at ipinagkatiwala lamang.  Maging ito man ay kapangyarihan o kayamanan, ang lahat ay may katapusan at hindi pakikinabangan nang habang panahon. Kaya ang pinakamainam, habang nabubuhay ang tao, siya ay dapat sumunod, sumuko at tumalima sa kanyang Tagapaglikha.  Tanggapin niya ang Islam at sumaksi na walang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at gampanan nang buong katapatan ang tungkulin niya sa Allah bilang paghahanda sa Araw ng Paghuhukom.

 

Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

 

Ang mga hindi mananampalataya ay tatanungin (sa Araw ng Paghuhukom): ‘Halimbawang may kayamanan ka at kaya nitong punuin ang mundo, papayag ka bang gawing pantubos ito sa iyong sarili (upang mailigtas ka) sa Impiyernong Apoy?’  Siya’y sasagot, “Oo”, At sasabihin sa kanya:  ‘Ang kahilingan sa iyo noon ay isang bagay na higit na magaan at madali (na huwag kang magbigay katambal sa pagsamba sa Allah), na iyong tanggapin ang Islam, subali’t ikaw ay tumanggi.  (Sahih Al-Bukhari)

 

Kaya halina at magbalik-loob sa Allah – ang Dakilang Lumikha.  Dapat nating isipin na ang tao at ang lahat ng bagay ay nilikha Niya mula sa wala, kaya katotohanang wala tayong maipagmamalaki. Siya ang tumutustos sa lahat ng ating pangangailangan upang mabuhay; ang tubig, ang hangin, ang araw ang iba’t ibang prutas, isda, hayop, mga gulay, halaman at marami pang iba. Ang lahat ng ito ay nagdudulot ng ginhawa sa tao habang siya’y nabubuhay. Ang iba pang mga patunay ay ang kalangitan at kalupaan at ang lahat ng mga nilikha sa pagitan nito.  Ang Allah ay nagpahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga Sugo na Siya ang Tagapaglikha at Nagmamay-ari ng lahat.

 

Ating matutunghayan sa Banal na Qur’an:

 

Allah, Siya ang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan at ng lahat ng nasa pagitan nito…  (Qur’an As-Sajdah-32:4)

 

Mababasa rin sa Banal na Qur’an:

 

Siya ang Allah, walang tunay na Diyos maliban sa Kanya.  Siya ang Maalam sa (lahat ng bagay na) di-nakikita at nakikita. Siya ang Maawain, ang Mahabagin.  Siya ang Allah, walang tunay na Diyos maliban sa Kanya.  Siya ang Hari, ang Banal, ang Kapayapaan, ang Tagapagbantay ng Pananam-palataya, ang Tagapangalaga, ang Makapang-yarihan, ang Tagasupil, ang Nakapagmamalaki.  Purihin ang Allah! (Sadyang mataas Siya) sa lahat ng mga itinatambal sa Kanya.  Siya ang Allah, ang Lumikha, ang Tagapagbalangkas, ang Tagapaghugis.  Sa Kanya ang pagmamay-ari ng lahat ng magagandang pangalan.  Ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan ay nagpupuri sa Kanya.  At Siya ang Makapangyarihan, ang Maalam.” (Qur’an Al-Hashr-59:22-24)

 

Bilang pangwakas, lagi nating tandaan na dapat nating gamitin ang talino at kaisipan na ibinigay ng Dakilang Lumikha sa ating pagpasiya at pagtahak sa tuwid na landas tungo sa kaligtasan. Ang maalam na tao ay yaong lagi niyang iniisip at pinaghahandaan ang kamatayan at ang Kabilang Buhay. Kaya paghandaan natin ang Araw ng Paghuhukom, na kung saan ang bawa’t isa ay mananagot sa sariling gawa.

 

Halina at ating gampanan ang layunin ng pagkakalikha sa atin ng Allah ANG SUMAMBA LAMANG SA KANYA. Huwag nating ipagpaliban ito… NGAYON NA!  Katotoha-nang sa bawa’t sandali ay papalapit ang tao sa kanyang libingan. Huwag nating sayangin ang panahong ipinag-kaloob sa atin ng Allah. Gugulin natin ito sa paghahanda sa Kabilang Buhay.

 

Ang Allah – ang Dakilang Lumikha ay nagwika:

 

O kayong nananampalataya, iligtas ang inyong sarili at ang inyong pamilya laban sa Apoy (Impiyerno) na ang panggatong ay tao at bato…  (Qur’an At-Tahreem-66:6)

 

 

Gayundin:

 

Dapat ninyong malaman na ang buhay sa mundong ito ay isang (panandaliang) laro at aliwan lamang, isang (pansamantalang) pagtatanghal at pagpa-paligsahan ukol sa inyong mga sarili, sa inyong yaman at anak. (Ito ay) Kahalintulad ng mga pananim pagkaraan ng ulan, ang pagyabong nito ay kasiya-siya sa (paningin ng) mga magsasaka nguni’t hindi magtatagal ito ay matutuyo; at maninilaw, at pagkaraan ay magiging dayami.  Subali’t sa Kabilang Buhay ay may nakalaang matinding parusa (sa mga hindi nananampalataya) at may nakalaan namang  kapatawaran mula sa Allah at (igagawad ang Kanyang) mabuting kasiyahan (sa mga nananampalataya). At ang buhay sa mundong ito ay isang nakapanlilinlang na kasiyahan lamang. (Qur’an Al-Hadeed-57:20)

 

Walang alinlangang ang buhay na ito ay isang pagsubok na nangangailangan nang matapat at masusing pagsasaalang-alang kung ano ang iyong dadalhin tungo sa huling hantungan. Tanging ang tamang pananam-palataya sa Nag-iisang Tunay na Diyos at mabubuting gawa kalakip ng pag-asa sa habag ng Allah ang siyang daan tungo sa kaligtasan.

 

Ang pagbabalik-loob o pagsisisi ay napakahalaga upang maiwasan ang panlulumo sa mundong ito at pagsisisi sa Kabilang Buhay. Tayo ay nararapat na maging maingat sa pagsasakatuparan ng ating pananagutan sa Allah. Lagi tayong maging masunurin sa lahat ng Kanyang kautusan. Ang kamatayan ay katiyakang darating sa ating lahat anumang oras kaya hindi dapat ipagwalang-bahala o ipagpaliban ang pagsagawa ng kabutihan.

 

Isaalang-alang natin ang kahalagahan ng panahon.  Nararapat samantalahin at pakinabangan nang lubos ang panahon sapagka’t ito’y hindi na magbabalik pang muli hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Sa bawa’t paghinga ng tao, ang panahon ng kanyang buhay ay nababawasan.  May isang tunay na mananampalataya (Muslim) ang nagsabi Sana ang panahon ay nabibili ng kayamanan.  Kung mabibili lamang ito, bibilhin ko ang panahon ng mga taong sinasayang ang kanilang panahon at walang pasasalamat, upang gugulin ko sa paglingkod sa aking Panginoon (Allah).

 

Mayroon ding isang matapat na Muslim ang nagsabi:  Hindi ako kailanman nagsisi maliban lamang sa lumilipas kong panahon na hindi ko nararagdagan ang aking mga mabubuting gawa at pagsamba sa Dakilang Lumikha. 

 

Gayundin,  isang  matapat  na  Muslim ang nagsabi: 

Kung sakaling ako’y bigyan pa ng isang maikling panahon ng buhay, gugugulin ko ito sa paggawa ng bagay na kalugud-lugod at kasiya-siya sa Allah.

 

Ang pinakamahalaga ay huwag nating kalimutan ang ating tungkulin bago maging huli ang lahat.  Dapat nating tuparin ang pinakalayunin ng pagkakalikha sa atin – ang sambahin ang Allah nang buong puso at kaluluwa habang tayo’y nabubuhay sa mundo.

 

Umaasa at dalangin ko sa Dakilang Allah na ang bawa’t mambabasa ay nagkaroon ng pang-unawa at kaalaman sa tunay na dahilan at layunin kung Bakit ang Tao ay Narito sa Mundo.

 

Ang pagtanggap ng Islam ay hindi nangangailangan ng maraming seremonya.  Ang sinumang tapat sa kanyang isip at puso na siya ay sasamba lamang sa kanyang Tagapaglikha, siya ay nararapat na manumpa na walang Tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at paniwalaan na si Muhammad ang huling Propeta.

 

Sinumang yumakap ng pananampalatayang Islam nang taus-puso, patatawarin siya ng Allah sa lahat ng nagawa niyang kasalanan, at siya ay maihahalintulad ng isang bagong silang na walang bahid kasalanan. Dito magsisimula ang kanyang pagganap sa mga tungkulin sa pamamagitan ng tamang pagkilos at pagsagawa ng mga alituntunin  ng Islam upang siya’y matawag na Muslim – yaong sumusunod, sumusuko at tumatalima sa batas ng Allah.

 

Upang maging matatag na mananampalataya, mahala-gang ipagpatuloy ang pag-aaral hinggil sa Islam nang may tapat na layuning mapalapit sa Allah.

 

Ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

Sabihin: ‘Yaon bang may mga kaalaman ay katulad ng mga  walang kaalaman?’  (Qur’an Az-Zumar-39:9)

 

Maitutuwid at mapapatatag lamang ng tao ang kanyang pagsamba kung siya ay may tamang kaalaman. Kaya halina sa Islam – ang pananampalatayang ipinamuhay at itinuro ng lahat ng Sugo at Propeta ng Allah – ang tunay at tanging daan tungo sa kaligtasan.

 

Ang Dakilang Allah ay nagwika:

 

At sinumang magnais ng ibang relihiyon maliban sa Islam (pagsunod, pagsuko at pagtalima sa Allah) kailanma’y hindi ito tatanggapin sa kanya, at sa Araw ng Paghuhukom, siya ay mabibilang sa mga talunan. (Qur’an Al-‘Imraan-3:85)

 

Katotohanan, ang pananampalataya sa (paningin ng) Allah ay Islam lamang (pagsunod, pagsuko, pagtalima sa Allah).  (Qur’an Al-‘Imraan 3:19)

 

Kaya muli akong nag-aanyaya sa lahat na mambabasa na pag-aralan ang Islam. Huwag husgahan ang Islam batay sa pagkakamali ng tao, bagkus alamin ang mga itinuturo nito na sadyang makatutulong sa inyong katiwasayan at kaligtasan.

 

Dalangin ko sa Allah na tayong lahat ay Kanyang patnubayan sa katotohanan.

 

Maraming salamat at nawa’y patnubayan ng Allah ang lahat ng mambabasang tunay na naghahanap ng katotohanan. Nawa’y matagpuan nila ang tuwid na landas tungo sa kaligtasan. 

 

Tanggapin nawa ng Allah ang pagsisikap na ito bilang paglilingkod sa Kanya lamang.  (Ameen)

 

Sumainyo ang kapayapaan, pagpapala at patnubay ng Allah – ang Dakilang Lumikha at tanging Hukom sa Araw ng Pagbabangong-Muli.

 

 

Omar Salcedo Peñalber

 


TALASALITAAN

 

Allah Ang Tangi at Nag-iisang Tunay na Diyos.  Ang Kataas-taasan at tanging Tagapaglikha ng lahat ng nakikita at di-nakikita. Ang tanging sina-samba at pinasasamba ng lahat ng Propeta, mula kay Adan, ang unang taong Kanyang nilikha, hanggang sa huling Propetang si Muhammad.

 

Muhammad – Ang panghuling Sugo at Propeta ng Allah.  Isinugo siya ng Allah upang ibalik at ituro sa tao ang mga nangawalang katuruan ng mga naunang Propeta.

 

Ibrahim Ang kinilalang Ama ng mga mananam-palataya.  Siya ang ama nina Propeta Ismael at Isaac.

 

Hesus Isa sa dakilang Sugo at Propeta ng Allah.  Nilikha siya ng Allah sa sinapupunan ni Birhen Maria sa pamamagitan ng Kanyang salita.  Ang kahalintulad ng pagkakalikha sa kanya ay si Adan.

 

Qur’an – Ito ang panghuling kapahayagan o batas ng Allah na ipinadala sa huling Propetang si Muhammad sa pamamagitan ni Anghel Gabriel.  Ito ay purong Salita ng Allah at napapanatili sa orihinal na anyo at nasasaulo nang ganap ng maraming Muslim.

 

Muslim Ang mga nilikha ng Allah na sumusunod, sumusuko at tumatalima sa Kanyang mga batas o kautusan.

 

() Sallallaahu Alaihi Wa sallam.  Mga katagang binabanggit  sa tuwing sinasambit  o naririnig ang pangalan ni Propeta Muhammad, na ang kahulugan: “Nawa’y itampok ng Allah ang pagbanggit sa kanya at ilayo siya sa anumang paninira at iligtas sa anumang masama”.

 

Islam Hinango sa salitang “Salaam” na ang literal na kahulugan ay “Kapayapaan”, nguni’t sa diwa ng relihiyon, ito ay nangangahulugan ng Pagsunod, Pagsuko, Pagtalima sa batas ng Allah.  Ito ang pananampalatayang itinuro at ipinamuhay ng lahat ng mga Propeta at Sugo ng Allah.

 

Hadith Mga salaysay, paliwanag, gawa at hatol ni Propeta Muhammad sa kapahintulutan ng Allah.

 

Sahih Al-Bukhari at Sahih Muslim –  Dalawa sa mga dalubhasang nagtipon ng mga Hadith ni Propeta Muhammad.


Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Islam, mangyaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na tanggapan:

 

 

(ISCAG - Philippines)

Islamic Studies, Call & Guidance-Philippines

Congressional Road,  Salitran I,

Dasmarinas, Cavite

Philippines 

Tel. (0063 46) 416-3371 / Fax 506-1451

www.iscag.com

 

 

(IL&IO)

Islamic Library & Information Office

P.O. Main Box 52916

Stall-B, HL Commercial Building

Pandan Citicenter – Phase 1

Magalang Road, Angeles City

Philippines 

Tel. (0063 45) 887-4577

Email: weblikislm@hotmail.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

This book is edited by TT&ESS

Tagalog Translation & Editing Support Services

 


[1] Allah – Ang Tangi at Nag-iisang Tunay na Diyos.  Ang Kataas-taasan at tanging Tagapaglikha ng lahat ng nakikita at di-nakikita.  Ang tanging sinasamba at pinasasamba ng lahat ng Propeta mula kay Adan, ang taong Kanyang unang nilikha.

[2] Sallallaahu Alaihi Wa Sallam.  Isang kataga na binabanggit sa tuwing sinasambit o naririnig ang pangalan ni Propeta Muhammad na ang kahulugan ay “Nawa’y itampok ng Allah ang pagbanggit sa kanya at ilayo siya sa anumang paninira at iligtas siya sa anumang kasamaan.